₱6,500 fuel subsidy na ibinibigay ng pamahalaan, hindi gaanong nakakatulong sa mga bus driver, ayon sa isang grupo ng provincial bus operator

Inihayag ng isang grupo ng provincial bus operator na hindi umano gaanong nakakatulong ang ₱6,500 na fuel subsidy na ibinibigay ng pamahalaan sa mga bus driver sa gitna ng walang tigil na pagsipa sa presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas (NSNPBP) Executive Director Alex Yague, ang P6,500 na ayuda para sa mga tsuper ay pang-isang araw lang kumpara sa araw-araw na gastos sa biyahe.

Paliwanag ni Yague, dapat 80% hanggang 90 % na puno ang bus bago sila pumasada para sigurado ang kanilang kita.


Ito ay para aniya masiguro na mayroong pambayad ng krudo, pangsuweldo sa mga tao at pambayad ng toll fee.

Una nang sinabi ni Yague na aabot na lang sa 20% hanggang 30% ang provincial buses na nag-o-operate sa bansa.

Dagdag pa ni Yague, nasa mahigit 26,000 na manggagawa sa kanila ang nawalan ng trabaho.

Samantala, sa panayam ng RMN Manila, muling kinumpirma ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Executive Director Kristina Cassion na naipamahagi na nila ang unang bugso ng fuel subsidy sa mahigit 264,000 na benepisyaryo.

Sa katunayan aniya, ay nasa 15,000 benepisyaryo na lang ang naghihintay ng kanilang ayuda na inaasahang matatanggap din ngayong linggo.

Facebook Comments