𝐊𝐀𝐊𝐔𝐋𝐀𝐍𝐆𝐀𝐍 𝐒𝐀 𝐒𝐔𝐏𝐋𝐀𝐘 𝐍𝐆 𝐓𝐔𝐁𝐈𝐆, 𝐈𝐃𝐈𝐍𝐀𝐃𝐀𝐈𝐍𝐆 𝐒𝐀 𝐁𝐑𝐆𝐘. 𝐁𝐔𝐄𝐍𝐀 𝐒𝐔𝐄𝐑𝐓𝐄

Cauayan City – Hirap pa rin ang mga magsasaka mula sa Brgy. Buena Suerte na punan ang suplay ng tubig na kailangan ng kanilang mga bukirin.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Brgy Kapitan Dennis Dela Cruz, kulang na kulang ang suplay ng tubig para sa kanilang mga bukirin kaya’t kahit madugo sa bulsa ang paggamit ng waterpump ay wala silang ibang paraan na maaaring gamitin bukod rito.

Sinabi ni Kapitan Dela Cruz, na nasa 15 hanggang 20 litro ng krudo ang nagagamit nila sa isang araw lamang at tumatagal ang pagpapatubig sa mga bukirin ng ilang araw.


Dagdag pa niya, hindi raw umano aabot ang tubig mula sa irigasyon sa kanilang lugar ngayong panahon ng pagtatanim kaya’t kung ito ang hihintayin nila ay walang mangyayari sa kanilang mga bukid.

Sa ngayon, kahit papaano ay nakakatulong ang bahagyang pag-ulan kaya’t sabay-sabay na nagpapatubig sa mga bukid ang mga magsasaka sa kanilang lugar.

Facebook Comments