
Cauayan City — Isang armadong lalaki na itinuturing na High Value Individual (HVI) at sangkot umano sa ilegal na droga ang nadakip ng pulisya sa Lungsod ng Cauayan noong ika-9 ng Enero 2026.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng agarang police response ang pinagsanib na puwersa ng Cauayan Component City Police Station, katuwang ang iba’t ibang intelligence at mobile units ng PNP, matapos makatanggap ng impormasyon ang Tactical Operations Center mula sa isang residente tungkol sa isang kahina-hinalang lalaki na gumagala sa Barangay Carabbatan Chica at may dalang baril.
Pagdating ng mga operatiba sa lugar, aktuwal umanong namataan ang suspek na armado, dahilan upang agad siyang arestuhin ng mga awtoridad.
Kinilala ang nadakip na si alyas “Jay,” isang tricycle driver at residente ng Barangay Rosario, Santiago City. Siya ay kabilang sa listahan ng pulisya bilang HVI ng Santiago City dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Nasamsam mula sa kanyang pag-iingat ang isang black pistol na walang serial number na may magazine at apat na bala ng caliber .32, isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, dalawang lighter, gunting, rolyo ng aluminum foil, isang cellphone, pitaka, leather sling bag, backpack, ID, at isang motorsiklo.
Matapos ang pagkakaaresto, dinala ang suspek sa Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










