
Cauayan City – Nasakote ang isang construction worker matapos mahulihan ng baril na walang kaukulang dokumento sa isinagawang Oplan Sita o checkpoint ng pulisya sa Cauayan City kagabi, ika-21 ng Pebrero.
Sa ulat na inilabas ng Cauayan City Police Station, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Foot Patrol 2 at 3 sa kahabaan ng Dacanay Street, Brgy. San Fermin, sa tapat ng isang variety store. Napansin ng mga pulis ang isang motorsiklong walang plaka na minamaneho ng lalaking hindi nakasuot ng helmet.
Agad na pinahinto ang motorista na kinilalang si alyas “Enteng,” 31-anyos, residente ng Brgy. San Pablo, Cauayan City. Nang hingan ng lisensya at papeles ng motorsiklo at inspeksyunin ang kanyang sling bag, napansin ng isa sa mga pulis ang nakalitaw na hawakan ng baril.
Sa beripikasyon, napag-alamang isang Caliber .22 revolver na walang markings ang nasabing baril at wala ring maipakitang lisensya o kaukulang dokumento ang suspek. Dahil dito, inaresto siya dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang Caliber .22 revolver na may mga bala, isang olive green sling bag, isang National ID, at ang motorsiklong walang plaka.
Ipinaliwanag sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago siya dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.
Muli namang pinaalalahanan ng pulisya ang mamamayan na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril nang walang lisensya at may kaakibat itong mabigat na kaparusahan sa ilalim ng umiiral na batas.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










