Friday, February 27, 2026

𝗗𝗔 𝗥𝗙𝗢𝟮, 𝗨𝗠𝗔𝗞𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗦𝗔 𝗧𝗢𝗠𝗔𝗧𝗢 𝗗𝗨𝗠𝗣𝗜𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗩𝗜𝗭𝗖𝗔𝗬𝗔; 𝗗𝗜𝗥𝗘𝗞𝗧𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗚𝗕𝗜𝗟𝗜 𝗔𝗧 𝗣𝗥𝗢𝗙𝗘𝗦𝗦𝗜𝗡𝗚, 𝗜𝗣𝗜𝗡𝗔𝗧𝗨𝗣𝗔𝗗

Cauayan City – Agarang kumilos ang Department of Agriculture – Regional Field Office 02 (DA RFO 02) kasunod ng tomato dumping, partikular sa Bayombong, Nueva Vizcaya upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mapigilan ang tuluyang pagbagsak ng farmgate price ng kamatis.

Nakipag-ugnayan ang DA RFO 02 sa Provincial Government ng Nueva Vizcaya at sa pamunuan ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) sa Bambang upang linawin ang sitwasyon at agad na makapaglatag ng mga konkretong solusyon sa isyu ng mataas na produksyon at mababang presyo ng kamatis.

Bagama’t patuloy pa ang pagtukoy sa mga responsable sa insidente, binigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng agarang koordinasyon upang hindi na maulit ang pagtatapon ng ani.

Ayon kay Julio Basilan, Agricultural Production, Sales and Marketing Officer ng NVAT, hindi naman umano sobra ang suplay ng kamatis sa probinsya, ngunit nabawasan ang pagpasok ng produkto mula sa ibang lugar dahil kasalukuyan ding anihan sa Ilocos Norte, Pangasinan, Nueva Ecija at iba pang bahagi ng Central Luzon, na nagdulot ng mas mataas na volume ng kamatis sa mga trading post.

Ipinaliwanag din na mas pinipili ng mga trader ang malalaki at half-ripe na uri ng kamatis gaya ng Avatar, na ipinamamahagi ng DA sa ilalim ng High Value Crops Development Program.

Ayon kay Regional Focal Person Carol Albay, nagkakaiba ang bilang ng priming o sunod-sunod na anihan depende sa lokasyon sapagkat sa matataas na lugar ay maaaring umabot hanggang ika-18 batch ang anihan, habang sa mababang lugar ay karaniwang hanggang ika-8 batch lamang.

Dagdag pa niya, kung maganda ang presyo hanggang ika-5 priming ay kadalasang nababawi na ng mga magsasaka ang kanilang puhunan, subalit sa kasalukuyan ay lumalagpas pa sa karaniwang bilang ang produksyon kaya mas dumadami ang suplay at bumababa ang presyo sa merkado.

Bilang tugon, naglatag si DA RFO 02 Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng mga hakbang tulad ng direktang pagbili ng pamahalaan at institutional buying sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at Kadiwa network upang masalo ang ani ng mga magsasaka at maipamahagi ito sa mas maraming pamilihan.

Nakipag-ugnayan din ang DA-AMAD at ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga kooperatiba para sa pagproseso ng vine-ripe tomatoes bilang tomato juice, sauce at iba pang processed products upang madagdagan ang halaga ng ani at hindi ito masayang.

Samantala, personal na binisita ng grupo mula sa DA RFO 02 sa pangunguna ni RED Aquino ang Aritao Agricultural Trading Post at nakipagpulong kay Mayor Remelina Peros upang mas mapalakas ang paggamit nito bilang karagdagang buying station ngayong peak harvest season.

Source and Photo Courtesy: DA RFO2

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments