
Isa-isa nang nagbabalikan ang mga residenteng apektado ng sunog sa Cabildo Street sa kanto ng Anda Street sa loob ng Intramuros, Maynila.
Ito’y para tignan kung may mga mapakikinabangan pa bang gamit o maaaring ikalakal tulad ng yero at iba pa.
Bukod diyan, unti-unti na rin silang naglilinis sa lugar pero nagiging pahirapan dahil sa kapal ng usok.
Nabatid na bawat pamilya na residente sa nasabing lugar ay binigyan ng pagkakataon na makabalik at itayo ang kanilang mga bahay.
Una na silang binigyan ng financial assistance ng lokal na pamahalaan ng Maynila na aabot sa P15,000 kung saan nananatili ang ilan sa kanila sa Delpan Evacuation Center.
Ang iba naman ay nagdesisyon na manatili sa bangketa malapit sa Cabildo Street para mabantayan ang kanilang lugar.
Bantay-sarado pa rin ng mga guwardiya ng Intramuros ang lugar kung saan naganap ang sunog at nananatili pa rin itong sarado sa mga motorista dahil sa mga nakakalat na debris mula sa mga nasunog na tahanan.










