Friday, February 27, 2026

𝗗𝗢𝗟𝗘 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗔𝗟𝗔𝗟𝗔𝗛𝗔𝗡𝗔𝗡 𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗨𝗕𝗟𝗜𝗞𝗢 𝗦𝗔 𝗣𝗘𝗞𝗘𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗚𝗥𝗘𝗥𝗘-𝗖𝗥𝗨𝗜𝗧 𝗦𝗔 𝗧𝗨𝗣𝗔𝗗

Cauayan City – Naglabas ng mahigpit na babala ang Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela Field Office 2 laban sa mga indibidwal at grupong umano’y ilegal na nangangalap ng personal na impormasyon kapalit ng pangakong makakasali sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD).

Sa inilabas na abiso nitong Huwebes, Pebrero 26, 2026, nilinaw ng tanggapan na walang awtorisadong tao o organisasyon ang maaaring mangolekta ng impormasyon para sa aplikasyon sa programa maliban sa opisyal na proseso ng DOLE.

Ayon sa ahensya, ang TUPAD ay ibinibigay lamang sa mga kwalipikadong benepisyaryo na dumaraan sa tamang profiling at masusing pagsusuri ng mismong DOLE.

Binigyang-diin din na walang online application para sa programa kaya dapat mag-ingat ang publiko sa mga nag-aalok ng mabilis na pagproseso kapalit ng pagpapasa ng personal na detalye.

Dahil dito, hinihikayat ng DOLE Isabela Field Office 2 ang mga residente na agad makipag-ugnayan sa kanilang pinakamalapit na tanggapan para sa beripikasyon at iba pang katanungan kaugnay ng TUPAD.

Paalala ng ahensya, maging mapanuri at huwag basta magbibigay ng sensitibong impormasyon upang makaiwas sa pananamantala.

Source: DOLE Isabela FO2

Facebook Comments