Marami pa rin umano ang nagpupuntang pamilya ng mga yumao sa Binmaley Catholic Cemetery, ngunit karamihan sa mga ito ay nagpupunta hindi lamang para bumisita kundi para ipalipat na ang lapida ng kanilang yumao bago pa ang mga ito tuluyang matabunan.
Naabutan ng IFM News Team ang isang ginang na bumibisita at kinakabisado na umano ang pwesto ng lapida ng kanyang yumao upang alam ang babalikan kapag tapos na ang reconstruction ng himlayan.
Ang grupo naman ng kalalakihang madalas tumatao sa sementeryo upang tumanggap umano ng trabaho sa mga bumibisitang pamilya, sinabing hindi katumbas ng mas maraming kita ang pagbisita ng mga pamilya, lalo at alam nilang matitigil ito sakaling tuluyan nang matabunan ang buong sementeryo.
May ilan pa umanong pamilya ang lumalapit sa kanila upang iahon ang lapida ng kanilang yumao. Naging klaro naman ang mga ito na tanging lapida at hindi buto o katawan ng yumao ang kanilang tinatrabaho.
Tumanggi namang humarap sa kamera ang ilang manlalako ngunit naobserbahan umano nila ang paghina ng kanilang bentahan ng kandila dahil malaking bahagi na ng lugar ang natabunan.
Sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang konstruksyon ng tila parisukat na himlayan sa natabunan nang bahagi ng sementeryo.
Matatandaang sa mga naunang panayam ng IFM News Dagupan sa pamunuan ng Our Lady of Purification Parish, ang pagtatabon ay simula pa lamang ng reconstruction plan ng sementeryo, kung saan ilalagak ang magiging pundasyon ng apartment-type na kolumbaryo para sa pagsasaayos ng himlayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








