CAUAYAN CITY – Bukod sa pagbisita sa Corn and Dairy Innovation Center na matatagpuan sa Marana 1st, Ilagan City, Isabela, nagsagawa rin ng collaborative meeting ang Department of Science and Technology (DOST) Region 2 kasama ang LGU Ilagan at IPOPHIL sa nabanggit na lungsod.
Sa nasabing pag-pupulong, tinalakay ng ahensya ang Programs, Projects, and Activities (PPAs) kung saan binigyang-diin ni Engr. Mark Gil Hizon, Supervising Science Research Specialist, na ang mga programa ng kagawaran ay nakapokus sa mga teknolohiyang makakatulong upang mapaunlad ang sektor ng agrikultura at mga local businesses at entrepreneurs.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Engr. Janica Tacazon, kinatawan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHIL) ang kahalagahan ng Intellectual Property (IP) registration sa mga local businesses at entrepreneurs.
Isa pa sa mga natakalay ay ang pagtatatag ng Technology Business Incubator (TBI) na nakapaloob sa lokal na pamahalaan ng nabanggit na lungsod kung saan layunn nitong makapagbigay ng suporta sa mga magsisimula ng kanilang negosyo sa pamamagitan ng mentoring, networking, at pagbibigay ng access sa mga posibleng resources na magiging daan sa pag-unlad ng ekonomiya.
Samantala, nakaplanong ilunsad ang Corn and Dairy Innovation Center sa ika-11 ng Agosto taong kasalukuyan.