Binigyang-diin ng Department of Health Region 1 ang kahalagahan ng pagiging fully-immunized ng bawat sanggol upang magkaroon ng active immunity o pangmatagalang proteksyon.
Ayon kay John Paul Aquino, representative mula sa immunization program ng kagawaran, matatawag na fully-immunized o kumpleto ang bakuna ng sanggol sa limang pagbisita sa Rural Health Units mula sa ika-anim na linggo ng sanggol kung kailan tinuturok ang pinakaunang bakuna at hanggang sa ika-sampung linggo, ika-labing apat na linggo, ika-siyam na buwan at pinakahuli sa isang taon ng sanggol.
Itinuturok sa bata ang mga bakuna panlaban sa diphtheria, pertussis, hepatitis B, pneumonia, measles, rubella at iba pang sakit.
Dagdag ni Aquino, walang dapat ipangamba ang mga magulang sa mga bakunang itinuturok dahil dumaan ang mga ito sa masusing pagsusuri kaya ligtas at subok na. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨