Binigyang linaw ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa katauhan ng kawani mula sa Provincial Public Information Office ang kaugnay sa haka-hakang walang isinagawang public consultation ukol sa proyektong Pangasinan Community Park na nakatakdang itayo sa Capitol Grounds, sa bayan ng Lingayen.
Ayon sa naging panayam ng IFM Dagupan kay Pangasinan Provincial PIO Chief Dobbie De Guzman, naganap ang isang public consultation partikular sa mga residenteng malapit sa pagtatayuan ng nasabing proyekto.
Kaugnay nito ay naglabas din ng endorsement ang Poblacion Barangay Council at Barangay Development Council of Barangay Libsong West noong pang December 2023 para sa nasabing proyekto.
Matatandaan na aprubado rin ito ng pamunuan ng DENR’s Environmental Management Bureau (EMB) at nagbigay umano ng Certificate of Non-Coverage noong August 9, 2023 bilang pagpapatunay na walang environmental threat ang isinagawang pagpuputol ng puno.
Samantala, inaasahan na mas mapapalakas pa ang ekonomiya at turismo ng Pangasinan sa pamamagitan ng mga inilulunsad na mga proyekto sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨