𝗜𝗠𝗕𝗘𝗦𝗧𝗜𝗚𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗦𝗔𝗞𝗬𝗔𝗡𝗚 𝗛𝗜𝗡𝗜𝗛𝗜𝗡𝗔𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗕𝗜𝗡𝗔𝗥𝗜𝗟 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗧𝗘𝗢, 𝗞𝗔𝗦𝗔𝗟𝗨𝗞𝗨𝗬𝗔𝗡

Cauayan City – Nagpapatuloy ang ginagawang masusing imbestigasyon ng kapulisan kaugnay sa nakaparadang sasakyan na hinihinalang binaril sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Villa Magat, San Mateo, Isabela kahapon, ika-dalawamput’ tatlo ng Enero.

Sa naging panayam IFM News Team kay Police Major Danilo Aggabao Malab, Officer-in-Charge ng San Mateo Police Station, ang nabanggit na sasakyan ay pagmamay-ari ni Marlon Tutaan na napag-alamang kumakandidato bilang Sangguniang Bayan sa bayan ng Ramon, Isabela.

Aniya, una rito ay nagtungo sa kapilya si Tutaan upang sana ay magsumite ng kanyang salaysay nang bigla na lamang sinabi sa kanya na nabasag na ang magkabilang bintana sa harapang bahagi ng kanyang sasakyan.


Ayon sa witness na kinilala sa pangalang Jay-Ar, isang itim na kotse umano ang nakita nitong huminto sa kinaroroonan ng sasakyan ng biktima at biglang nasundan ng pagsabog na hindi pa malaman kung saan galing.

Sa ngayon, hinihintay na nila mula sa Forensic Unit ang resulta ng mga nakumpiskang mga ebidensya, at sinusubukan na rin nilang maghanap ng CCTVs malapit sa lugar na maaring makatulong upang matukoy kung sino ang posibleng gumawa nito.

Facebook Comments