Hindi umano kailanman magiging solusyon ang importasyon sa pagbaba ng presyo ng bigas sa bansa ayon yan sa grupong Bantay Bigas.
Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estabillo, sinabi nitong hindi kailanman naging solusyon ang rice importation para mapababa ang presyo ng bigas dahil sa ngayon halos pumapantay na ang presyo ng locally produced na bigas sa mga imported na bigas.
Pansin na rin ito ng mga miller at mga retailer ng bigas kung saan mataas na rin ang bentahan ng bigas sa world market nahihila na rin nito ang presyo ng locally-produced na bigas.
Dagdag pa ni Estabillo, limang taon na ang R.A. 11203 o Rice Tariffication Law at ang nagawa lamang umano nito sa ating industriya ng palay ay ang itinali na lamang sa importasyon.
Wala rin umano itong naitulong para palakasin ang lokal na produksyon ng bigas pati na rin sa pagpapababa ng presyo nito sa merkado.
Aniya pa, karamihan sa mga Pilipino ang nakararanas ng involuntary hunger kasama na pati ang mga magsasaka ng palay dahil sa patuloy na pagtaas ng bigas at palay sa bansa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨