Cauayan City – Kasabay ng monitoring sa mga pinsalang naiwan ni bagyong Kristine ay ang pagsusuri rin sa mga kabahayan na maaring irekomenda para sa Pambansang Pabahay ng Pangulo Program sa lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Cauayan City Mayor Hon. Caesar “Jaycee” Dy Jr., isa ito sa mga programang kanilang isinusulong upang matulungan ang mga residenteng madalas na maging biktima ng pagbaha tuwing panahon ng sakuna, at ang mga residenteng naninirahan sa lugar na hindi na ligtas
Aniya, ang mga residenteng ito ang prayoridad na makakuha ng unit sa Pambansang Pabahay upang sa ganon ay mas maging ligtas sila tuwing panahon ng sakuna.
Ang isasagawang monitoring ngayon ay isa sa mga magiging assessment ng pamahalaang panlungsod ng Cauayan upang masuri kung sino nga ba ang mga residente na kanilang aalukan ng paglilipatan ng tahanan sa Pambansang Pabahay.