Friday, March 13, 2026

𝗟𝗜𝗠𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗦𝗔𝗞𝗬𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗡𝗨𝗘𝗩𝗔 𝗩𝗜𝗭𝗖𝗔𝗬𝗔, 𝗡𝗔𝗚𝗞𝗔𝗥𝗔𝗠𝗕𝗢𝗟𝗔

Cauayan City – Nagkarambola ang limang sasakyan matapos umanong mawalan ng preno ang isang trak pasado ala-una ng madaling araw, March 13, 2026 sa Barangay Villaros, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Ayon sa ulat, kargado ng feeds ang trak at patungong hilagang direksyon nang mapansin ng driver na nawalan ng preno ang kanilang sasakyan.

Dahil dito, nagpasya umano ang driver na tumalon mula sa trak upang makaiwas sa posibleng mas malalang aksidente. Gayunman, hindi umano nakatalon ang pahinante dahil sa takot.

Nagpatuloy sa pagtakbo ang trak at nasagi ang isang sasakyan sa unahan nito at dalawa pang sasakyan sa kabilang linya ng kalsada hanggang sa bumangga pa sa isa pang trak na may kargang palay.

Dahil sa banggaan, naipit ang pahinante ng unang trak habang nasugatan naman ang dalawang sakay ng kabilang trak. Nagkalat din sa kalsada ang mga palay at feeds na agad nilinis ng mga awtoridad, barangay officials, at mga residente sa lugar.

Ayon kay Police Major Rexer Louie Malingan, hepe ng PNP Bagabag, hindi na umano magsasampa ng kaso ang mga biktima dahil nauunawaan nilang aksidente ang nangyari.

Nagpaalala rin siya sa mga driver na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang ganitong insidente.

Source: DWRV
Photo Courtesy: NVPPO

Facebook Comments