𝗠𝗔𝗚𝗦𝗔𝗦𝗔𝗞𝗔, 𝗧𝗜𝗠𝗕𝗢𝗚 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗠𝗔𝗛𝗨𝗟𝗜𝗛𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗜𝗟𝗘𝗚𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗗𝗥𝗢𝗚𝗔

Cauayan City – Tahimik at hindi na sinubukang itanggi pa ng isang lalaki ang pagkakasangkot nito sa ilegal na droga matapos itong maaresto ngayong umaga, ika-8 ng Agosto, taong kasalukuyan, sa Brgy. Aurora, Alicia, Isabela.

Sa isinagawang implementasyon ng mga awtoridad ng Search Warrant na inisyu ng korte, positibong nasamsam sa pag-iingat ng suspek na si alyas “Bert”, 35 anyos, ang isang piraso ng silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Ang nabanggit na ebidensya ay isiniksik pa ng suspek sa isang kahon ng baraha.


Samantala, naging mapayapa naman ang implementasyon ng Search Warrant dahil sa pakikipagtulungan ni Alyas “Bert” sa mga awtoridad.

Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng Alicia Police Station ang suspek ganundin ang nasabat na ebidensya para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments