Narescue ng Coast Guard District Northwestern Luzon ang 32 anyos na mangingisdang ilang araw nawala matapos pumalaot para mangisda noong March 6.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Pangasinan Commander Lt. Junior Grade John Luis Sibayan, natagpuan si Dexter Abalos 17 nautical miles mula sa Agno.
Sa tulong ng Coast Guard Aviation Force ay nakita si Abalos sa isang fish marker o payao kung saan niya itinali ang kanyang bangka, isa umano itong magandang desisyon upang maiwasan na tangayin pa ng alon kung saan ang mangingisda.
Pinaniniwalaang tumaob dahil sa dolphin ang bangka ni Abalos nang pabalik na sana ito sa Agno. Matatandaang inaasahan na makakabalik ito mula sa pangingisda kinabukasan ng March 7 ngunit hindi agad nakauwi kaya iniulat na nawawala ng kanyang pamilya, dahilan ng pag apela ng mga ito ng tulong sa Philippine Coast Guard at Philippine Navy.
Walang anumang injuries na natamo si Abalos at agad nakauwi sa kanyang pamilya matapos matignan sa Rural Health Unit ng Agno. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨