Cauayan City – Muli nanamang naghatid ng libreng serbisyo ang mga miyembro ng 2nd Isabela Police Mobile Force Company sa bayan ng Cordon, Isabela.
Umabot sa 150 na indibidwal mula sa Brgy. Taliktik, Cordon, Isabela ang naging benipesyaryo ng Community Outreach Program ng 2nd Isabela PMFC.
Layunin ng programang ito na mabigyan ng tulong at libreng serbisyo ang mga mamamayan na nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAS), kung saan nagkaroon ng talakayan patungkol sa Knowing the Enemy (KTE) at Community Anti-Terrorism Awareness, RA 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children, at Education Community Campaign ng NIA MARIS 2.
Bukod pa rito, nagkaroon rin ng pamamahagi ng libreng tsinelas, mga gamot at bitamina, mga damit, reading glasses, libreng punlang talong, libreng gupit at libreng blood pressure monitoring.
Labis naman ang pasasalamat ng Punong Barangay ng Brgy. Taliktik na si Hon. Rey Pagaddot sa tulong na ibinigay ng kapulisan sa mga residente sa kanyang nasasakupan.