Tuesday, October 27, 2026

𝟭𝟯-𝗔𝗡𝗬𝗢𝗦 𝗡𝗔 𝗕𝗔𝗧𝗔, 𝗟𝗨𝗠𝗔𝗡𝗚𝗢𝗬 𝗡𝗚 𝗔𝗣𝗔𝗧 𝗡𝗔 𝗢𝗥𝗔𝗦 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗜𝗟𝗜𝗚𝗧𝗔𝗦 𝗔𝗡𝗚 𝗜𝗡𝗔 𝗔𝗧 𝗞𝗔𝗣𝗔𝗧𝗜𝗗

Cauayan City – Kinilalang bayani ang isang 13-anyos na batang lalakimatapos niyang iligtas ang kanyang ina at dalawang nakababatang kapatid na inanod ng malakas na alon sa karagatan sa baybayin ng Western Australia.

Kinilala ang bata na si Austin Appelbee, na naglakas-loob na lumangoy ng humigit-kumulang 4 na kilometro o 2.5 milya patungong pampang upang humingi ng saklolo matapos silang tangayin ng dagat.

Kasama niya sa insidente ang kanyang ina na si Joanne Appelbee, kapatid na lalaki na si Beau, 12-anyos, at kapatid na babae na si Grace, 8-anyos.

Ayon kay Austin, una niyang tinangkang humingi ng tulong gamit ang isang inflatable kayak ngunit ito ay pinasukan ng tubig.

Kalaunan ay iniwan niya ang kayak at tinanggal ang kanyang life jacket dahil nahirapan siyang lumangoy habang suot ito.

Sa kabila ng malalakas na alon, nagpatuloy siya sa paglangoy sa loob ng halos apat na oras, habang pinananatili ang positibong pag-iisip upang hindi sumuko.

Bandang 6:00 ng gabi, nakarating siya sa pampang at agad na bumagsak sa pagod matapos makapagbigay ng alarma sa mga awtoridad.

Nagbabakasyon lamang ang pamilya at gumagamit ng mga kayak at paddle board na inupahan mula sa kanilang hotel nang biglang lumakas ang hangin at alon na tuluyang humila sa kanila palayo sa baybayin.

Bandang 8:30 ng gabi, isang search helicopter ang nakakita sa kanyang ina at dalawang bata na suot ang kanilang life jackets at nakakapit sa isang paddle board.

Ayon sa pulisya, inanod sila ng humigit-kumulang 14 na kilometro mula sa Quindalup at umabot sa 10 oras ang kanilang pananatili sa tubig.

Pinuri ng pulisya ang ipinakitang determinasyon at tapang ni Austin, na sa huli ay nagligtas sa buhay ng kanyang ina at mga kapatid.

————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments