Wednesday, March 4, 2026

𝗣𝗔𝗚𝗕𝗜𝗕𝗜𝗚𝗔𝗬 𝗧𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗠𝗚𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗘Ñ𝗢, 𝗡𝗔𝗚𝗣𝗔𝗣𝗔𝗧𝗨𝗟𝗢𝗬

Cauayan City – Nagkaloob ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa pangunguna ni Governor Rodito T. Albano III sa mga residente ng lalawigan kahapon, ika-3 ng Marso 2026.

Ito ay bilang bahagi ng patuloy na programa ng pamahalaang panlalawigan para sa kapakanan ng mga sektor na nangangailangan ng suporta.

Sa naturang aktibidad, personal na ipinamahagi ng gobernador ang iba’t ibang assistive devices sa 38 Persons with Disabilities (PWDs). Bukod sa mga kagamitang makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, tumanggap din ang bawat benepisyaryo ng grocery package, 10 kilo ng bigas, at tig-₱2,000 na tulong pinansyal.

Samantala, hindi lamang ang sektor ng PWD ang nabigyang pansin sa nasabing okasyon dahil umabot naman sa 464 mangingisda mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ang nabiyayaan ng mga kagamitang pangkabuhayan.

Kabilang sa ipinamahagi ang mga bangkang de-sagwan o non-motorized boats at mga gamit sa pangingisda tulad ng lambat. Binigyan din sila ng life vests, jackets, at mga sumbrero upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang pumapalaot.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas pinaigting na suporta sa sektor ng pangisdaan upang mapalakas ang kanilang hanapbuhay at matulungan silang magkaroon ng mas matatag na kita.

Patuloy namang tiniyak ng Provincial Government of Isabela na magpapatuloy ang mga programang nakatuon sa inklusibong pag-unlad, kung saan walang sektor ang maiiwan sa layunin ng mas maunlad at mas maayos na pamumuhay para sa lahat ng mamamayan ng lalawigan.

————————————–

‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.

‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments