
Cauayan City – Halos isang linggo na ang nakakalipas subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ng babaeng natagpuan sa ilalim ng tulay sa Brgy. Gappal, Cauayan City, Isabela.
Matatandaang natagpuan ang bangkay ng babae noong ika-5 ng Pebrero sa ilalim ng Budduan Bridge sa nabanggit na lugar na palutang-lutang at nakasiksik sa mga naipong sanga ng kawayan.
Kaagad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang kapulisan at nakipag-ugnayan sa mga kalapit na lugar at bayan para sa posibleng pagkakakilanlan ng biktima subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin natutukoy kung sino ito.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, maliban sa suot na itim na jacket at maong na pantalon, mayroong tattoo na “Guardians”, “20”, at “inday” ang babae na hugis triangle.
Samantala, hinihikayat naman ng mga awtoridad ang sino mang nawawalan ng kaanak na makipag-ugnayan sa kanilang himpilan upang subukan tingnan ang natagpuang babae.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa Carbonel Funeral Homes sa Brgy. San Fermin, Cauayan City ang labi ng babae.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










