
CAUAYAN CITY โ Ibinahagi ng Brgy. Labinab ang kanilang nakalatag na proyekto para sa buong taon ng 2025.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Barangay Captain Juanito Estrada, ibinahagi nito na ilan sa kanilang mga priority projects ay ang pagsasaayos ng wing wall bridge na nasira dahil sa mga nagdaang bagyo.
Ayon pa kay Barangay Captain Estrada, mayroon nang mga materyales katulad ng mga semento at bakal para sa paggawa ng wing wall bridge sa maisan sa pagitan ng Purok Uno at Purok Tres.
Nasa priority project din nila ang pagpapatuloy ng road concreting sa Purok 6 kung saan ay naudlot umano ito dahil sa mga sunud-sunod na bagyo at ulan.
Dagdag pa nito, naumpisahan na umano ang pagkokongkreto ng daan sa Brgy. Buena Suerte at inaasahang magtutuloy-tuloy na ito upang maging maayos na ang dadaanan ng mga residente at motorista.