Tiniyak ngayon ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagtutok sa presyuhan ng mga pangunahing bilihin ngayon sa gitna ng kinakaharap na epekto ng El Niño sa bansa.
Kasunod din ito ng pag-anunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa bahagyang pagbilis ng inflation rate nitong nagdaang buwan ng Pebrero kung saan tumaas ito sa 3.4%, mas mataas kumpara sa 2.7% na naitala noong Enero ngayong taon.
Isa naman ang sektor ng agrikultura sa pinakaapektado ng El Nino kung saan kaliwa’t-kanang mga bahagi sa bansa ay tuluyang napinsala dahilan ang pagkatuyo ng mga sakahan dahil sa kakulangan sa patubig at irigasyon.
Sa Ilocos Region, bagamat hindi umano tuluyang makaapekto ang El Niño sa produksyon ng ilang pangunahing bilihin tulad ng bigas at nananatili itong matatag ay ilang mga bayan ay nakapagtala pa rin ng apektadong mga sakahan.
Samantala, ilan pang probinsya sa Luzon tulad ng Apayao, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalinga, La Union, Mountain Province, Nueva Vizcaya, at Palawan ay sa ilalim din ng drought condition habang ang mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Zambales at Nueva Ecija ay sa ilalim naman ng dry spell. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨