
Cauayan City – Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ang isang retiradong police lalaki na nahaharap sa kasong panggagahasa sa isinagawang operasyon nito lamang lunes ika-30 ng Marso sa Cagayan.
Kinilala ang suspek na si alyas “Lucas,” 57-anyos, isang retiradong miyembro ng Philippine National Police (PNP), at residente ng Brgy. Kiling Norte, Batac City, Ilocos Norte. Ayon sa ulat, siya ay tubong Brgy. Tallag, Cabagan, Isabela at nakalista bilang No. 2 City Most Wanted Person sa Batac City dahil sa kasong rape.
Pinangunahan ang operasyon ng Cabagan Municipal Police Station (MPS) batay sa Warrant of Arrest na inilabas ng korte. Nakasaad sa kautusan na walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Cabagan MPS habang inihahanda ang kanyang turnover sa korte na naglabas ng warrant.
Hinikayat naman ng kapulisan ang publiko na patuloy na makipagtulungan at makiisa sa mga awtoridad upang maisulong ang isang ligtas at mapayapang pamayanan.










