Tuesday, March 24, 2026

𝗦𝗘𝗡𝗔𝗗𝗢𝗥 𝗚𝗔𝗧𝗖𝗛𝗔𝗟𝗜𝗔𝗡, 𝗡𝗔𝗡𝗜𝗡𝗗𝗜𝗚𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗦𝗢𝗕𝗘𝗥𝗔𝗡𝗬𝗔 𝗡𝗚 𝗣𝗜𝗟𝗜𝗣𝗜𝗡𝗔𝗦 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗕𝗜𝗦𝗜𝗧𝗔 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚-𝗔𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗟𝗔𝗡𝗗

Nitong ika-20 ng Marso, nagtungo si Senador Win Gatchalian sa Pag-asa Island na bahagi ng Kalayaan Island Group (KIG) upang tiyakin ang suporta ng pamahalaan sa mga residente at mga sundalong nagbabantay sa West Philippine Sea.

Sa kabila ng mga radio challenge mula sa China habang nasa himpapawid, nanindigan ang senador na ang Kalayaan ay teritoryo ng Pilipinas. Binigyang-diin niya na ang presensya ng mga pamilyang Pilipino sa isla ang pinakamalakas na simbolo ng ating hurisdiksyon.

Bilang Tagapangulo ng Senate Committee on Finance, tiniyak ng senador na magiging prayoridad sa 2027 National Budget ang pagpapalakas ng mga pasilidad sa isla. Kabilang sa kanyang mga ipinangakong proyekto ang pagpapatayo ng mas modernong mga paaralan at health centers para sa kapakanan ng mga residente, gayundin ang rehabilitasyon ng Municipal Hall na sentro ng lokal na pamamahala.

Bukod dito, nagbigay-garantiya ng suporta si Senador Gatchalian sa paglalaan ng sapat na pondo para sa suplay ng krudo ng Philippine Coast Guard (PCG) upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagpapatrolya at pagbabantay sa ating karagatan.

Sa mahalagang pagbisitang ito, naging katuwang ni Gatchalian si PCG Commodore Jay Tarriela at ang mga lokal na opisyal ng Kalayaan, na nagkakaisa sa layuning ipakita ang matatag na presensya ng Pilipinas sa naturang rehiyon.

Facebook Comments