Thursday, February 5, 2026

𝗨𝗠𝗔𝗡𝗢’𝗬 𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗞𝗔𝗦𝗔𝗡𝗚𝗞𝗢𝗧 𝗡𝗚 𝗦𝗖𝗛𝗢𝗢𝗟 𝗛𝗘𝗔𝗗 𝗦𝗔 𝗜𝗟𝗟𝗘𝗚𝗔𝗟 𝗜𝗡𝗩𝗘𝗦𝗧𝗠𝗘𝗡𝗧 𝗦𝗖𝗛𝗘𝗠𝗘, 𝗜𝗜𝗠𝗕𝗘𝗦𝗧𝗜𝗚𝗔𝗛𝗔𝗡 𝗡𝗔 𝗡𝗚 𝗦𝗗𝗢 𝗜𝗟𝗔𝗚𝗔𝗡

Cauayan City – Nagsimula na ang Schools Division Office (SDO) Ilagan City ng paunang imbestigasyon kaugnay sa umano’y pagkakasangkot ng isang school head sa isang ilegal na investment scheme.

Ayon sa opisyal na pahayag ng SDO Ilagan, inirekomenda ng kanilang Legal Unit sa Disciplining Authority ang pagsasagawa ng preliminary o fact-finding investigation upang masuri ang posibleng pagkakasangkot ng naturang personnel at iba pang kaugnay na usapin.

Binigyang-diin ng tanggapan na hindi nila kinukunsinti ang anumang ilegal na aktibidad ng kanilang teaching at non-teaching personnel sa loob man o labas ng paaralan.

Nilinaw din ng kagawaran na ang alegasyon ay isang hiwalay na insidente lamang at hindi sumasalamin sa buong hanay ng kanilang mga kawani.

Dagdag pa rito, hindi umano nagpo-promote o nanghihikayat ang Division sa publiko na mag-invest ng pera o ari-arian sa anumang investment scheme, at wala rin silang pinahintulutang personnel na gawin ito.

Inatasan na ang Legal Unit na simulan ang imbestigasyon sa loob ng limang araw matapos matanggap ang utos mula sa Disciplining Authority, at inaasahang maisusumite ang ulat sa loob ng tatlumpung araw alinsunod sa DepEd Order No. 49, series of 2006.

Siniguro naman ng SDO Ilagan sa publiko na kanilang tututukan ang usapin upang matiyak ang katotohanan at mapanatili ang integridad ng kagawaran.

————————————–
‎Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
‎#985ifmcauayan
‎#idol
‎#numberone
‎#ifmnewscauayan

Facebook Comments