
CAUAYAN CITY – Isang aksidente sa kalsada ang naganap sa national road ng Barangay Alibagu, Ilagan City, Isabela kahapon, ika-16 ng Pebrero sangkot ang isang kotse at motorsiklo.
Ang nasabing kotse ay minamaneho ni Patrolman Franklyn John Laciste, 27-anyos, may asawa, at residente sa Purok 6, Brgy. Tallungan, Reina Mercedes, Isabela, habang ang motorsiklo naman ay minamaneho ng isang 17-anyos na binatilyo at residente ng Brgy. Sta. Isabel Norte, Ilagan City, Isabela.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang PNP Ilagan ukol sa naturang insidente kung kaya’t agad nila itong nirespondehan at nagsagawa ng imbestigasyon.
Napag-alaman sa pagsisiyasat na isinagawa, binabaybay ng kotse ang Timog na direksyon ng daan patungong Gamu, Isabela habang ang motorsiklo naman ay kasalungat nito at nasa outer lane.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay nawalan umano ng kontrol sa manibela ang drayber ng kotse dahil na rin umano sa madulas na daan dala ng mga pag-ulan dahilan ng pagkakasalpok nito sa motorsiklo.
Nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 17-anyos na binatilyo kaya naman dinala ito agad sa pagamutan subalit idineklarang Dead on Arrival (DOA).
Samantala, sumailalim sa medical examination si Laciste bago ito dalhin sa himpilan ng Ilagan Component City Police Station.









