
Cauayan City – Matagumpay na natapos ng 54 kalahok, kabilang ang mga mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS), ALS coordinators, at mga miyembro ng KALIPI, ang dalawang magkahiwalay na skills training sa basic nail care at ecobag making na isinagawa ngayong Marso 2026 sa San Jose, Baggao.
Sa kabuuan, 29 ALS learners at KALIPI members ang sumailalim sa pagsasanay sa Perform Basic Manicure and Pedicure na ginanap noong Marso 10, 12, at 13. Layunin ng programa na mabigyan sila ng praktikal at pagkakakitaan na kasanayan sa larangan ng nail care services, alinsunod sa mga programa ng Technical Vocational Education and Training (TVET).
Samantala, 25 kalahok naman ang nagtapos sa competency-based training sa paggawa ng ecobag, na nakatuon sa sustainable production at pangangalaga sa kalikasan. Pinangunahan ang pagsasanay ng resource trainer na si Pedro R. Patrono, na gumabay sa mga kalahok sa pagdisenyo at paggawa ng eco-friendly bags gamit ang reusable materials.
Naging posible ang dalawang training sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Local Government Unit (LGU) ng Baggao, Department of Education – Alternative Learning System (ALS), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pamamagitan ng Aparri Polytechnic Institute.
Aktibong nakilahok ang mga kalahok sa mga lecture at hands-on activities. Tinalakay sa nail care training ang tamang proseso, kalinisan at sanitation, at mga batayang teknik sa manicure at pedicure. Sa kabilang banda, binigyang-diin naman sa ecobag making ang pagkamalikhain, kalidad ng paggawa, at praktikal na kasanayan sa produksyon.
Ayon sa mga organizer, ang naturang mga pagsasanay ay naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga kalahok upang magkaroon ng oportunidad sa kabuhayan at maging mas handa sa mundo ng trabaho.
————————-
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










