1.15B scam at spam messages, hinarang ng Globe noong 2021

Nasa 1.15 bilyon na scam at spam messages, kasama ang 7,000 na kahina-hinalang mobile number, ang hinarang ng Globe noong 2021, bahagi  ng pinaigting na hakbang ng kumpanya para maprotektahan ang mga customers.

Kasama ring pinatigil ng Globe ang 2,000 social media accounts at phishing sites na ginagamit ng mga masasamang loob para makakuha ng personal na impormasyon, pera, at iba pang mahahalagang bagay mula sa publiko.

Kasabay ng pagdiriwang ng Safer Internet Day, nangako ang Globe na lalo pang hihigpitan ang seguridad para sa mga customers.  Nakikiisa ito sa pandaigdigang komunidad sa pagpapalaganap ng ligtas at mas responsableng paggamit ng mobile phones at teknolohiya.


“Mahalaga sa Globe ang proteksyon ng aming customers.  Kaya naman lalo naming pinapalakas ang aming mga sistema at proseso para malabanan ang mga lumilitaw na hamon sa seguridad.  Nakikipagtulungan din kami sa pribadong sektor para rito dahil hindi namin kayang lunasan ito na mag-isa,” pahayag ni Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng Globe.

Bumuo ng mga paraan ang Globe para madaling makapag-report ang mga empleyado at customers kapag may mga insidente ng scam o spam.  Kabilang dito ang https://www.globe.com.ph/stop-spam para sa scam/spam messages at https://www.globe.com.ph/report-tampered-modem.html para sa tampered modems.  Maaari ring magpadala ng mensahe sa Globe.

Mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang kumpanya sa mga malalaking bangko at online retailers sa bansa para sa direkta at 24/7 na pag-uulat ng mga fraudulent na aktibidad.

Hinihikayat din ng Globe ang publiko na mag-report sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group sa https://acg.pnp.gov.ph/eComplaint/ o sa National Telecommunications Commission sa pahina nitong https://ntc.gov.ph/complaint-page-2/ kung may mga nasumpungang suliranin tungkol sa cybersecurity.

Bilang bahagi rin ng pagtulong sa publiko, regular na nagbibigay ang Globe ng mga impormasyon tungkol sa cybersecurity at data privacy gamit ang iba’t ibang channels gaya ng Globe website, social media, webinars, at mass media.  Bisitahin ang Alagang Globe Page para sa karagdagang kaalaman.

Maigting na sinusuportahan ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goals, partikular ang UN SDG No. 9, na nagbibigay-diin sa mga tungkulin ng imprastraktura at innovation bilang mga mahahalagang nagtutulak sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya. Itinataguyod ng Globe ang mga prinsipyo ng UN Global Compact at nag-aambag sa pagtupad sa 10 UN SDGs.

Facebook Comments