
Inaasahan ng New NAIA Infra Corporation ang 1.18 million na mga pasaherong dadagsa sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA terminals simula April 13 hanggang April 20.
Ito ay katumbas ng 14.23% na pagtaas sa bilang ng mga dadagsang pasahero sa NAIA ngayong Semana Santa.
Ayon sa NNIC, inaasahan din nila ang flight movements na aabot sa 6,724 kung saan sa Biyernes Santo ang inaasahan nilang magiging busiest day.
851 flights ang inaasahan ng NNIC sa Biyernes Santo, habang sa Martes Santo ay 818 flights.
Tiniyak din ng NNIC ang round-the-clock na operasyon ng assistance desks sa lahat ng NAIA terminals.
Magkakaroon din ng karagdagang traffic aides na ipakakalat sa curbside at parking areas ng paliparan.
Pinapayuhan naman ng NNIC ang mga pasahero na i-double-check ang kanilang flight details at terminal assignments, at tiyaking bitbit nila ang kanilang travel documents at iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na items sa hand-carry at mga bagahe.
Asahan na rin daw ang mahabang pila sa check-in at security, gayundin ang posibleng abala dahil sa malaking volume ng mga pasahero.