1.4M Kaban ng Palay, Kasalukuyang Ginigiling ng NFA Region 02!

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 1.4 milyong sako o kaban ng palay ang kasalukuyang ginigiling ngayon ng National Food Authority (NFA) Region 02 na nabili mula sa mga magsasaka ng naturang ahensya.

Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Rocky Valdez, Regional Manager ng NFA Region 02, kasalukuyan ang milling o paggiling ng mga nabili nilang palay upang maging bigas at mailipat sa ibang bodega ng ahensiya.

Iniimbak naman ang mga nagiling na bigas sa kanilang pinakamalaking warehouse o bodega sa bayan ng Echague, Isabela maging sa Lalawigan ng Ifugao at Mt. Province kasama ang mga rehiyon na ngangailangan ng suplay ng bigas.


Nakatakdang ibiyahe ang 500,000 sako ng bigas sa National Capital Region ( NCR) matapos na makumpleto mula sa kasalukuyan ginigiling na 1.4 Million na sako ng palay.

Ang lalawigan ng Isabela ang may pinakamalaking nabiling palay na umaabot sa mahigit 600,000 bags o kaban.

Katuwang ng NFA Region 02 sa kanilang milling sa mga nabiling palay ang mga pribadong ahensya.

Ayon pa kay Ginoong Valdez, wala silang binabayaran sa mga private milling kundi ang ipa at darak lamang na pamalit nila sa ginastos ng mga ito.

Mula sa 1,000 sako o kaban ng palay ay 630 na sako ng bigas ang ibabalik lamang ng private milling habang ang sobra nito ay sa kanila na maging ang darak at ipa.
Sa ngayon ay patuloy na namimili ang NFA Region 02 ng palay na naaani ng mga magsasaka.

Umaabot ngayon sa presyong P14.25 bawat kilo sa sariwa habang ang malinis na nabilad o clean dry ay binibili sa presyong P19.00 kada kilo.

Facebook Comments