1 barangay sa Lungsod ng Maynila, ipinalalagay sa 24-hour total shutdown ng lokal na pamahalaan

Ipinag-utos ngayon ni Mayor Isko Moreno ang 24-hour total shutdown sa Barangay 20, Parola Compound, Tondo, Maynila.

Ito’y matapos mag-viral sa social media ang isinagawang palarong boxing na kinasasangkutan ng higit 100 indibidwal kabilang ang mga bata at nagkaroon pa ng pa-binggo.

Dahil dito, nilabag ng mga residente ng Barangay 20 ang kautusan hinggil sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine kung saan tinatayang nasa 41,000 ang bilang ng mga nakatira dito.


Sa bisa ng Executive Order No. 19 na pinirmahan ng Alkalde, magsisimula ang total shutdown mula alas- 8:00 mamayang gabi, April 14, 2020 hanggang alas- 8:00 ng gabi ng miyerkules, April 15, 2020.

Kasabay nito, magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng Disease Surveillance, testing and Rapid Risk Assessment Operations sa naturang Barangay habang mariin na ipinagbabawal na lumabas ng bahay ang mga residente.

Hindi naman sakop ng kautusan ang mga Healthcare workers, opisyal at mga miyembro ng PNP, AFP, Coast Guard at iba pang government offices na kabilang sa Emergency Frontline Services.

Ang lahat naman ng Commercial, Industrial, Retail, Institutional at iba pang aktibidad sa Barangay ay suspendido din habang ipinapatupad ang total shutdown.

Inatasan naman ni Yorme ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 2 na magbantay sa lahat ng sulok ng Barangay 20 habang ang nasabing Executive Order ay suportado ni DILG Secretary Eduardo Año.

Facebook Comments