DAR, namahagi ng CoCRoM, CLOA, at SPLIT E-titles sa mga benepisyaryo sa Capiz

Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa 5,036 na Agrarian Reform Beneficiaries sa 17 munisipalidad sa bayan ng Capiz.

Nagbigay rin ang DAR ng Certificate of Condonation with Release of Mortgage (CoCRoM), Certificate of Land Ownership Award (CLOA), at Electronic Titles sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Tilting (SPLIT).

Pinangunahan ni Senator Imee Marcos ang pamimigay ng sertipiko kasama sina DAR Assistant Secretaries Rodolfo Castil Jr., at Atty. Quintin Magsico, Region 6 Regional Director Leomides Villareal, at Roxas City Mayor Ronnie Dadivas.


Inihayag ni Senator Imee Marcos na libre na ang titulo sa mga benepisyaryo sa nasabing probinsya.

Inihalintulad pa ni Senator Imee ito sa pambansang awit ng bansa kung saan ito raw ay Lupang Hinarang dahil mahigit 51 na taong walang naipapamahagi at ngayon ito na raw ay Lupang Hinirang kung saan may lupa na ang bawat Pilipino.

Sa kabuuan, nakapamahagi ang ahensya ng 7,926 na mga katibayan ng lupa sa mga benepisyaryo na sumasakop sa 5,584 na ektarya ng lupa.

Mula sa kabuuang ito, nasa 7,455 ng CoCRoM ang natanggap ng 4,630 na ARBs, 66 na CLOA naman ang naipamahagi sa 61 na ARBs sa apat na munisipalidad, at 441 na e-Titles ang naibigay sa 345 na ARBs mula sa 11 na munisipalidad.

Facebook Comments