Wala pang maibigay ang Department of Migrant Workers (DMW) na eksaktong petsa ng paglilipat kay Mary Jane Veloso sa piitan sa Pilipinas.
Ito ay matapos na mapaulat na bahagyang maantala ang paglilipat kay Veloso sa Pilipinas mula sa unang napaulat na makakapiling na nito ang kanyang pamilya bago mag-Pasko.
Ayon kay Abigail Calinisan ng DMW PIO, ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of Justice (DOJ) aniya ang direktang nakipag-uugnayan sa Indonesian government hinggil sa pag-uwi ni Veloso.
Ito ay bagama’t patuloy aniya nilang tinututukan ang pangangailangan ng pamilya Veloso.
Inaabangan naman ang kumpirmasyon ng DFA hinggil dito.
Una nang dinalaw ni Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac ang pamilya ni Veloso sa Nueva Ecija at tiniyak nito na makasasama na nila si Mary Jane bago mag-Pasko.