Naipamahagi na sa publiko ang aabot sa isang milyong doses ng AstraZeneca vaccine bilang unang dose ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, kabilang ito sa 1.5 milyong dose ng AstraZeneca vaccines na nakatakdang ma-expire sa darating na ika-30 ng Hunyo.
Nasa 497,000 vaccines naman ang natitira pa kung saan inaasahang target itong gamitin sa susunod na buwan.
Sa Hulyo, nabatid na aabot din sa 500,000 doses ng AstraZeneca ang nakatakda ding ma-expire.
Pero pagtitiyak ni Cabotaje, gagamitin nila ito bilang ikalawang dose sa mga Pilipinong nabakunahan na noong Marso at may interval na 12 linggo.
Sa ngayon, hinihintay na ng bansa ang pagdating ng dalawang milyong doses ng AstraZeneca na inaasahang magaganap ngayong Hunyo.