Inaasahang darating sa susunod na dalawang linggo ang nasa isang milyong doses ng CoronaVac vaccines mula sa Chinese manufacturer na Sinovac Biotech.
Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., nasa 500,000 doses ng Sinovac vaccines ang darating sa April 22 habang ang natitirang 500,000 doses ay sa April 29.
Bahagi ito ng commitment ng Sinovac Biotech na magpadala ng 1.5 million doses ngayong buwan.
Ang unang batch o ang 500,000 doses ay dumating na nitong April 11.
Bukod dito nasa 500,000 doses ng Sputnik V ng Russia ang inaasahang ipapadala ngayong buwan.
Sa kabuoan, aabot sa dalawang milyong doses ng COVID-19 vaccines ang ipapadala sa bansa sa buwan ng Abril.
Sa Mayo, nasa 4.1 million doses ang nakatakdang dumating sa bansa kabilang ang Sinovac (2 million); Gamaleya (2 million), at US manufacturer Moderna (194,000 doses).
Darating naman sa Hunyo ang 10.5 million doses – kung saan 4.5 million sa Sinovac, 4 million sa Gamaleya, 1 million Novavax vaccine ng Serum Institute of India, at 1 million doses mula sa AstraZeneca.
Sa Hulyo, 13.5 million doses ang darating kabilang ang 3 million Sinovac, 4 million Gamaleya, 1 million Moderna, 2 million Novavax, 1.5 million mula sa Johnson & Johnson, at 2 million AstraZeneca.
Nasa 15 hanggang 20 million doses naman ang darating sa bansa kada buwan simula Agosto hanggang Disyembre.
Ngayon taon, target ng pamahalaan na makakuha ng higit 140 million doses ng COVID-19 vaccines bukod pa sa mga bakunang bigay ng COVAX Facility para mabakunahan ang 50 hanggang 70 milyong tao at makamit ang herd immunity.