1 Patay, 2 Sugatan sa Aksidente sa Daan sa Angadanan Isabela!

Angadanan, Isabela – Dead on arrival sa pagamutan ang isang pasahero at sugatan naman ang dalawang drayber matapos na mabangga ang likurang bahagi ng traysikel sa pag-overtake ng motorsiklo habang bumabaybay sa kahabaan ng Brgy. Calabayan Minanga, Angadanan, Isabela, kaninang alas otso ng umaga, November 28, 2018.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office, kinilala ang nasawing biktima na si Regina Forto Lauigan, 41 taong gulang at residente ng Brgy. Centro 3, Angadanan, Isabela habang ang sugatang drayber ng traysikel ay si Gener Gutierez Montevergen, 34 taong gulang, may asawa at residente rin ng nabanggit na lugar.

Sugatan rin ang drayber ng motorsiklo na si Richard Abuzo Gangan, 24 taong gulang, isang security guard at nakatira sa Upi, Gamu, Isabela.


Sa isinagawang imbestigasyon ng PNP Angadanan, habang nasa daan ang dalawang sasakyan na patungo sa bayan ng Alicia Isabela ay tinangka umano ni Gangan na i-overtake ang traysikel na sinusundan nito ngunit nagkamali ng kalkulasyon kayat nabangga nito ang likurang bahagi ng traysikel.

Dahil sa lakas ng impak ng aksidente ay nagtamo ng matinding sugat sa katawan sina Gangan at Montevergen na dinala naman kaagad sa pinakamalapit na pagamutan maging ang pasahero ng traysikel na si Lauigan ngunit dead on arrival ito dahil sa matinding sugat na tinamo sa ulo.

Hanggang sa ngayon ay patuloy parin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing pangyayari at inihahanda ang kasong RIR Homicide, Less Serious Physical Injury and Damage to Property laban sa suspek na si Gangan.

Facebook Comments