Cotabato City – Ilang oras bago matapos ang taon, isa ang naitalang patay habang dalawampu ang sugatan matapos na pasabugan ang harap ng isang mall sa Cotabato City.
Sa interview ng RMN Manila kay Cotabato City Police Office Spokesperson Police Chief Inspector Rowell Zafra – pasado ala 1:49 ng hapon ng biglang sumabog ang isang hindi pa mabatid na bomba sa harap ng South Seas Mall sa Magalles Street sa lungsod.
Pero bago maganap ang insidente, sinabi ni Zafra na isang improvised explosive device (IED) ang una na nilang narekober sa baggage counter sa loob ng mall.
Ang mga sugatan ay dinala sa ibat-ibang pagamutan sa lungsod ng Cotabato.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) para matukoy ang mga suspek sa pagpapasabog.
Pero hinala ng AFP, kagagawan ito ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter o BIFF at Daula Islamiyah.
Ayon kay Major General Cirilito Sobejana, Commander ng 6th Infantry Division ang mga grupong ito aniya ang malimit na maghasik ng gulo sa Cotabato City.
Kasabay nito, kinondena ng PNP at AFP ang nasabing pambobomba.