1 Patay, 3 Nakaligtas sa Tumaob na Bangka sa Quirino!

Patay ang isang binata habang masuwerteng nakaligtas ang tatlong katao kabilang ang hipag nito makaraang tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa Addalam River sa San Leonardo, Aglipay, Quirino.

Nakilala ang namatay na si Johnny Orate, 31-anyos, habang maswerteng nakaligtas ang kanyang hipag na si Elizabeth Orate, 48 anyos, kapwa residente ng Magsaysay, Saguday, Quirino.

Nasagip rin sina Ramon Butic at Julius Bungtayonon, 17-anyos, estudyante, kapwa residente ng Brgy.San Manuel, Aglipay ng nasabing lalawigan.


Sa ekalusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt. William Agpalza, hepe ng PNP Aglipay, dakong 3:30 ng hapon noong Septyembre 5, 2019 ay sumakay sa bangka ang mga biktima upang makatawid sa kabilang ilog.

Habang sila ay nasa kagitnaan ng ilog ay bigla na lamang tumaob ang kanilang bangka.

Nagkataon naman na may nakakita sa nasabing insidente kaya’t agad silang nasaklolohan subalit hindi na nasagip si Orate.

Napag-alaman na nakisakay lamang umano ang biktima kasama ang kanyang hipag upang mamasyal sana sa kanilang kamag-anak sa kabilang ilog.

Overloading naman ang tinitignang dahilan ng pulisya sa pagtaob ng sinakyang bangka ng mga biktima.

Facebook Comments