Isang lalaki ang patay sa nangyaring sunog sa Sampaloc, Maynila.
Ayon kay Capt. Guillermo Firmalino ng Manila Fire District, isang 3-storey residential building ang nasunog sa 975-H, Domingo Santiago, Sampaloc.
Nagsimula ang sunog alas-6:06 ng umaga at idineklarang fire-out makalipas ang kalahating oras.
Umabot lamang ng unang alarma ang sunog dahil mabilis ang responde ng mga bumbero lalo na at malapit lamang ito sa riles.
Pero isang lalaki ang nasawi sa insidente na nakilalang si Denmark Jose, 34-anyos.
Ayon naman sa kapatid ng biktima na si Sheryl Jose, ang napabayaang kalan ang pinagmulan ng sunog at labis nilang ikinalungkot ang nangyari dahil sa kalalaya lamang ni denmark matapos makulong.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Manila Fire District, pero sa inisyal na pagtaya ay nasa P10,000 ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian.
Samantala, mabilis din naapula ng mga tauhan ng manila fire district ang nangyaring sunog sa isang commercial residential building sa kanto ng leon guinto at julio nakpil.
Wala naman nasugatan sa insidente at hindi naman masiyadong napinsala ang kwarto sa ikalawang palapag kung saan nagsimula ang sunog.