Muling iginiit ng ilang transport group ang pagbabalik ng pisong provisional increase sa pamasahe sa gitna pa rin ng serye ng taas-presyo sa langis.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni FEJODAP President Ricardo “Boy” Rebaño na hindi sapat ang fuel subsidy kahit dinoble na ito ng Department of Transportation.
Para sa grupo, “win-win solution” ang pagpapatupad ng pisong taas-pasahe dahil direkta itong papasok sa kita ng mga tsuper.
Sabi ni Rebaño, sa mga operator kasi dumidiretso ang subsidiya na kung walang konsiderasyon ay hindi makararating sa mga drayber.
Samantala, isa pa sa nakikitang solusyon ng FEJODAP ay ang pansamantalang pagsuspinde sa fuel excise tax.
Tiniyak naman ng grupo na hindi sila lalahok sa anumang transport strike at magpapatuloy sa pagseserbisyo sa mga commuters.
Gayunman, wala na aniya silang magagawa kung kusa nang huminto ang iba sa pamamasada dahil sa mahal ng presyo ng langis.
Nabatid na bukas ay muling magpapatupad ng “super big time oil price” hike ang mga kompanya ng langis.