Cauayan City, Isabela-Nagpositibo sa anti-body rapid test ang 1-taong gulang na batang babae sa Brgy. Baculod, Alcala, Cagayan.
Batay sa facebook post, sinabi ni Mayor Cristina ‘Tintin’ Antonio na nakarating ng bayan kahapon ng alas 3:00 ng madaling araw ang bata mula sa Lungsod ng Taguig kasama ang kanyang lolo at lola kasama ang dalawa pang katao sakay ng isang pribadong sasakyan.
Ayon pa sa post, naiwan ang mga magulang ng bata sa Taguig City na isang pulis na nakadestino sa Tondo, Maynila habang ang kanyang ina ay isang housewife.
Nabatid na ang bata ay ‘asymptomatic’ o walang sintomas ng coronavirus.
Lumabas naman na negatibo sa resulta ng rapid test ang apat (4) na kasama ng bata na umuwi sa bayan.
Bagama’t nagpositibo sa rapid test, hindi nangangahulugan na pasok na sa talaan ng Department of Health dahil ayon sa ahensya ang mga magpopositibo sa rapid test ay kailangan pang dumaan sa confirmatory testing para mapatunayan kung ito nga ba ay talagang coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Idiniretso naman sa Quarantine Facility ng Lokal na Pamahalaan ng Alcala ang dalawang katao na nakasabayan ng bata at kanyang lolo’t lola.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ang resulta ng swab test ng bata mula sa Department of Health kaya’t habang hinihintay ito ay isinailalim sa strict home quarantine kasama ang kanyang mahal sa buhay.