1-taong-gulang, tinanggap ang medalya para sa amang nasawi sa bushfire

Image from NSW Rural Fire Service

SYDNEY, AUSTRALIA – Emosyonal ang tagpo sa libing ng isang bumberong nasawi sa bush fire matapos siyang parangalan ng gobyerno sa kabayanihang ipinamalas.

Ang tumanggap kasi ng medalya, isang-taong-gulang na anak na wala pang malay sa nangyayari.

Sa litratong ibinahagi ng NSW Rural Fire Service, may subong pacifier si Harvey Keaton at nakasuot ng uniporme ng bumbero habang ginagawaran ng medalya noong Huwebes, Enero 2.


Nasawi ang amang si Geoffrey, 32, makaraang mabagsakan ng nasusunog na puno ang minamanehong firetruck noong Disyembre 19 sa nirespondehang lugar.

Bakas din sa mukha ni Commissioner Shane Fitzsimmons ang sakit at pighati na siyang nagbigay ng posthumous award.

“Today the NSW RFS family farewelled one of their own, with the funeral of Geoffrey Keaton held in western Sydney earlier today. Commissioner honored Geoffrey today by awarding him posthumously a Commissioner’s Commendation for Bravery and a Commissioner’s Commendation for Service,” post ng NSW Rural Fire Service sa kanilang Facebook page.

Kapansin-pansin rin ang tasang nakadisplay sa burol ng bumbero na may nakalagay “Daddy I love you to the moon and back!”

Bumuhos ng libu-libong pakikiramay sa comment section ng tanggapan ang eksenang nakadudurog sa funeral service.

 

Patuloy pa rin ang pagkalat ng malalaking apoy sa ilang parte ng Australia na nagsimula noong nakaraang taon.

Sa huling datos, nasa 30 katao ang namatay at mahigit 1,500 kabahayan na ang natupok.

Mas lumala raw ang sunog bunsod ng init at climate change na umano’y sanhi ng paglaganap ng mga natural disaster.

Facebook Comments