10 4Ps MEMBER SA CAUAYAN CITY, MAGTATAPOS NA SA PROGRAMA

Cauayan City, Isabela- Magtatapos na bukas, June 10,2022 bilang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang sampung benepisyaryo mula sa iba’t-ibang barangay dito sa Lungsod ng Cauayan.

Sa ating panayam kay Ginang Rodelyn Ancheta, CSWD Officer, mababawasan na muli ang bilang ng mga 4Ps members sa Lungsod matapos na makitaan ng mga kondisyon ang ilang miyembro para matapos o matanggal sa naturang programa.

Mula sa 3,216 na total 4Ps members sa Lungsod, 2,879 lamang dito ang active member dahil ang iba ay tinanggal na sa listahan dahil sa mga nagawang paglabag habang yung iba naman ay umalis na dito sa lungsod ng Cauayan.

Pinaliwanag ni Ancheta na ilan sa sampung magtatapos sa 4Ps bukas ay nakaraos na sa kanilang pamumuhay; wala ng anak na menor de edad o nasa labing walong taong gulang pababa; habang yung iba naman ay naabot na ang pitong taon na pagiging benepisyaryo ng programa.

Nilinaw ni Ancheta na ang sampung mag-eexit o maaalis sa programa ngayong 2022 ay inisyal pa lamang at inaasahan pa na sa mga susunod na araw ay madadagdagan pa ang kanilang bilang. Ikinatuwa naman ito ng CSWD Officer dahil marami nanamang pamilya ang natulungan ng programa kung saan mula sa pagiging subsistence ay nasa self-sufficiency level na ang mga ito.

Ibig sabihin aniya ay kaya na nilang suportahan ang kanilang mga pangangailangan o maging independent at hindi na sila umaasa sa ayuda o tulong na ibinibigay ng 4Ps.

Samantala, taon-taon na nadadagdagan ang miyembro ng 4Ps depende ito sa ginagawang assessment at validation ng DSWD sa mga pamilyang nag-aapply sa nasabing programa.

Payo naman sa iba pang pamilya na hirap sa buhay at hindi pa kabilang sa 4Ps ay makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan o di kaya’y mag-message sa kanilang FB Page na CSWD Cauayan City para sa mga katanungan hinggil sa naturang programa.

Facebook Comments