Kumpleto pa ang 10 boya na inilagay ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).
Pahayag ito ng PCG sa harap ng ulat na tinanggal ng mga Chinese na mangingisda ang dalawang boya ng Pilipinas na nakalagay sa Balagtas Reef at Juan Felipe Reef.
Sa Laging Handa briefing sinabi ni Commodore Jay Tarriela, PCG Spokesperson for West Philippine Sea, batay sa isinagawang Maritime Domain Awareness (MDA) flight nalaman na walang nawawalang boya.
Isang Cessna caravan 2081 ang nagsagawa ng MDA flight sa Palawan kahapon.
Ayon kay Tarriela, walo sa sampung boya ay ibinagsak sa maritime features na abot-tanaw ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PCG.
Araw-araw aniya namo-monitor ng grupo ng AFP ang mga boya at nagsusumite ng report sa Coast Guard personnel kung nasa lugar pa ang mga ito.
Hindi kasama sa namo-monitor ng PCG ang bahagi ng Balagtas Reef at Julian Felipe dahil wala silang command post.