10 INDIBIDWAL, HULI SA PAGSASABONG

Cauayan City, Isabela- Arestado ang sampung indibidwal na sangkot sa iligal na sugal matapos ang isinagawang raid ng mga awtoridad sa isang compound sa Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya nitong Linggo, Setyembre 18, 2022.

Ang mga nadakip na suspek ay sina Junel Poski, Rocky Baguio, Jack Basatan, Deogracias Fernandez, Elno Palnac, Rufino Pindog, Winzel Baniwas, Reggie Ramos, Andy Bumato, at Ronald Durana habang nakatakas naman sina Jimmy Pasigon at Ronald Batchiliar.

Naaktuhan ng tauhan ng PNP Dupax del Sur ang mga suspek na nagsasagawa ng illegal na pagsasabong sa Purok Saniata, Barangay Gabut sa naturang bayan na nagresulta ng kanilang pagkaaresto.

Sa ibinahaging impormasyon ng Police Regional Office (PRO 2), nakatanggap sila ng ulat na may nagsasagawa ng iligal na pagsasabong sa compound ng CCQ cockpit arena na agad namang nirespondehan ng pinagsanib na pwersa ng PIU/PDEU, 2nd NVPMFC, Pltn Ldr at Dupax del Sur PS.

Nang makarating sa lugar ay agad na nagtakbuhan ang mga sangkot upang tumakas ngunit karamihan ay nadakip rin ng mga pulis.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ng mga suspek ay anim na manok na panabong, isang improvised cockfighting rink, at ang pantayang pera na nagkakahalaga ng P5,845 libong piso.

Ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Dupax del Sur PS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Nahaharap din ang 10 suspek sa kasong paglabag sa PD 449 o ang “The Cockfighting Law of 1974.”

Samantala, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng follow up operation ang mga kapulisan upang mahuli ang dalawang pang nakatakas na mga suspek.

Facebook Comments