Sinampahan ng kaso ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 10 kompanya na nasa Maynila dahil sa kabiguang magbayad ng tamang buwis.
Sa reklamong inihain ng BIR sa Department of Justice (DOJ), kasong tax evasion ang isinampa sa Aurg Corporation, Best Electrical Corporation, Kenomax Great Enterprises, Joberlene Corporation, Poly-Agro Products Corporation, Perima Multi-Sales, Trademaster Plus Industries, Polustructure Trading, Sonny Brum Escal of Jei Industrial Engineering at ang business owner na si Josie Barbara Casilang.
Ayon kay Revenue Deputy Commissioner for Legal Service Marissa Cabreros, hindi umano idineklara ng mga nabanggit na kompanya ang eksaktong kinita nito noong 2015.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang opisyal ng mga nabanggit na kompanya partikular na ang mga presidente at treasurer ng mga ito.
Ang pagsasampa ng kaso ay base na rin sa rekomendasyon ng Manila Revenue Regional Director na si Jethro Sabariago matapos isnabin ang maraming notices na ipinadala ng BIR.
Ang kompanyang Kenomax Great Enterprises ang may pinakamalaking hindi nabayarang buwis na umaabot sa 526 million pesos na sinundan ng Perima Multi-Sales na may 368 million pesos at Joberelene Corporation na may 218 million pesos.