Pinagpapaliwanag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 10 local chief executives dahil wala sila sa kanilang nasasakupan sa kasagsagan ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, nasa 10 mula sa 1,047 local chief executives ang unaccounted o ‘missing-in-action’ noong tumama ang bagyo.
Nasa 51 siyudad at 613 munisipalidad at 12,832 barangay sa 10 rehiyon ang naapektuhan ng bagyo.
Dagdag pa ng kalihim, aabot sa 175,479 families o 619,544 individuals ang inilikas.
Ang mga local chief executive ay nag-convene sa kanilang disaster risk reduction management councils (DRRMC) kung saan itinatag ang incident management center, search and rescue teams, clearing operation teams, medical teams at nagpatupad ng force evacuation sa mga residenteng nakatira sa bahaing lugar.