Cauayan City, Isabela- Inaasahang sisimulan na ang konstruksyon ng Multi-species Freshwater Hatchery na layong magkaroon ng magandang kalidad ng fingerlings gaya ng Tilapia, Ulang, at Hito sa Probinsya ng Isabela.
Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng P10-M at may lawak na 1.7 land area na itatayo sa Gunot Seed Farm, Barangay Rizal, Santiago City.
Pinangunahan ang ground breaking ceremony nina Isabela 4th District Representative Atty. Alyssa Sheena P. Tan, Santiago City Mayor Joseph Salvador Tan, BFAR-RO2 Regional Director Milagros C. Morales, Provincial Agriculturist Marites P. Frogoso at Provincial Fishery Officer Emerson Tattao.
Ayon kay BFAR RO2 Director Morales, ang naturang proyekto at hindi lamang tututok sa pangangailangan ng fingerlings ng mga fish farmers ng lungsod kundi ang buong probinsya at mga kalapit na lalawigan.
Giit pa ni Morales, ang Isabela ay mayroon lamang 18% fish sufficient at tanging 45.39% lang ang naiaambag ng probinsya sa regional aquaculture production.
Mayroon lamang 1,480 units fishcages at 1,745 ektarya ng fishponds kung saan kinakailangan ng 88.77M na piraso ng fingerlings stocks per annum at 12.95-M piraso fingerling stocks para sa fishcages.
Hinamon naman ng opisyal ang City Government at mga fisherfolks association na maitaas ang fish production ng Isabela kahit sa 3 percent sa pamamagitan ng proyekto.
Tinanggap naman ni Mayor Tan ang hamon at nagpasalamat ito sa oportunidad na makapagbigay ng fingerling production sa buong rehiyon, magkakaloob rin ng dagdag na pondo ang LGU Santiago City para sa tagumpay ng proyekto.
(Photo attached: City Government of Santiago)