Inapprubahan ng United States (US) Court ang distribusyon ng halos sampung milyong dolyar para sa mga maging biktima ng pag-aabuso sa karapatang-pantao noong panahon ng martial law.
Pirmado na ni U.S. District Judge Manuel REAL, ang isang kautusang nalalayong ipamahagi ang $9, 750, 000 at tatanggap ang bawat isang biktima ng $1, 500 na may katumbas na mahigit P78, 000 na myembro ng class suit laban sa yaman ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Robert Swift at Rodrigo Domingo, lead counsel ng mga biktima, kahit ang mga pilipino na naninirahan sa ibang bansa ay makakatanggap pa rin ng kompensasyon at malalaman nila ito apat na linggo bago ang araw ng distribusyon ng tseke at kung saan ito makukuha.
Taong 2011 at 2014, nang una nang tumanggap ng kompensasyon ang mga biktima mula sa mga koleksyon at ari-arian ng pamilya Marcos sa Estados Unidos.